Patay ang isang pulis na inaresto ng mga taga-Bureau of Customs dahil sa pag-atake sa lima nilang kasamahan, matapos umano itong magtangkang mang-agaw ng baril.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24-Oras Weekend", tinangka umamo ng suspek na si Police Executive Master/Sergeant Celedonio Conseran Jr. na mang-agaw ng baril ng kanyang bantay kaya binaril siya at napatay.

Ayon sa ulat, nahuli si Conseran ng mga operatiba ng BOC pasado alas-kwatro ng hapon noong Biyernes.

Si Conseran, na naka-assign sa Quezon City Police District (QCPD), ay nakunan ng baril at motorsiklong walang plaka.

Ayon sa source ng GMA News, si Conseran ang nasa likod umano sa pag-atake sa limang opisyal ng BOC. Dalawa sa mga biktima ang napatay.

Dagdag sa source ng GMA News, tugma ang motorsiklong narekober kay Conseran sa mga kuha ng CCTV sa motor ng gunman, at pati na sa taong naghagis ng granada sa tanggapan ng BOC.  

Pero pasado alas-nueve ng gabi noong Biyernes, tinangka umano ng inarestong pulis na agawin ang baril ng kanyang bantay nang magpaalam itong pupunta sa banyo.

Doon na binaril si Conseran. Itinakbo siya sa ospital pero idineklarang dead on arrival sa ospital dakong 9:53 p.m. 

Sinubukan ng GMA News na kunin ang pahayag ng BOC, pero tumanggi muna silang magkomento habang patuloy pa umano ang kanilang followup operation.

Hinihintay pa rin ng GMA News ang pahayag ng QCPD kaugnay sa insidente. —LBG, GMA News