Patay ang isang lalaki, habang sugatan ang kaniyang asawa matapos silang pagbabarilin habang sakay ng tricycle sa Sta. Cruz, Maynila. Ang salarin, nakatakas.

Sa ulat ni Carlo Mateo sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, kinilala ng pulisya ang nasawing biktima na si Ferdinand Guevarra, 24-anyos.

Sugatan naman at kailangang operahan ang kaniyang asawa na si Erika, ayon pa sa ulat.

 

 

Kapuwa isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang dalawa pero hindi na umabot doon ng buhay si Ferdinand.

Sinabing nangyari ang pamamaril sa Rizal Avenue malapit sa kanto ng Bambang St. sa Sta Cruz, Maynila.

Ilang basyo ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang narekober ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang pagkakakilanlan ng salarin at motibo sa krimen. —FRJ, GMA News