Inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III na lubha pang maaga para malaman kung makakaapekto sa public health at security status ng National Capital Region (NCR) ang umano'y pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa rehiyon.

Sa panayam ng Super Radyo dzBB nitong Biyernes, ipinaliwanag ni Duque na kailangan munang suriin ng DOH ang two-week growth at average daily attack rate sa bawat "hundred thousand population" ng bansa kung kailangang itaas ang alert level sa NCR.

Kasalukuyang nasa Alert Level 1 ang NCR-- ang pinakamababa sa five-tier COVID-19 alert levels--na tatagal hanggang sa katapusan ng Mayo.

“Mag-aantay pa tayo hanggang makita natin yung risk classification ay tataas kasi nasa low-risk classification pa rin tayo,” sabi ni Duque.

“Kapag ka ito ay nag-moderate risk, ibig sabihin ay either high-risk na yung ating two-week growth rate or parehong moderate rate risk ‘yung two-week growth rate at ating average daily attack rate per hundred thousand population. Kumbaga ‘yan ‘yung gauge natin kung meron bang basis for an escalation to Alert Level 2,” paliwanag ng kalihim.

“Sa ngayon wala pa at lalong di pa naapektuhan yung ating healthcare utilization rate na as of Wednesday, nasa less than 20 percent.’ ‘Yung ating non-ICU bed capacity, 17% (samantalang) nasa 16% yung ICU high capacity. Mababa pa ito,” patuloy ni Duque.

Una rito, iniulat ng OCTA Research, na nakita ang 19% increase sa daily average ng COVID-19 cases sa Metro Manila sa nakalipas na pitong araw.

Ayon sa grupo, noong Mayo 13 hanggang 19 ay tumaas sa 71 mula sa 59 ang COVID-19 cases, kumpara sa nakalipas na isang linggo.

Ang reproduction number sa NCR, patungkol sa bilang ng nahahawahan ng isang positibo sa virus, ay tumaas sa 0.90, na ikinukonsiderang “moderate,” mula sa 0.76, na "low."

Ang reproduction number na mababa sa "1" ay indikasyon na mabagal ang hawahan ng virus.

Samantala, sinabi ni Duque na wala pa muling nakikitang mga kaso ng Omicron subvariant BA.2.12.1 sa bansa, maliban sa 17 kaso na naiulat kamakailan.

Hinakayat ng kalihim ang publiko na magpabakuna at magpa-booster shot. Maaari na ring kumuha ng ikalawang booster shot ang mga nasa A1 at A2 priority groups. — FRJ, GMA News