Malapitang binaril sa loob ng isang convenience store sa Makati City noong Martes ng madaling-araw ang isang babaeng kararating lamang sa Metro Manila galing sa Misamis Oriental.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa Unang Balita nitong Biyernes, agad na tumakas ang gunman, kasama ang kasabwat na naghintay sa isang motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, pumasok sa isang convenience store ang biktima na kagagaling lamang sa airport.

Wala siyang kamalay-malay na may nakabuntot pala sa kanya na isang lalaki. At habang kumukuha siya ng siopao, malapitan siyang pinagbabaril.

Hindi bababa sa tatlong tama ng bala ang tinamo ng biktima. Ang isa tumama sa kanyang panga, ayon sa ulat.

Agad umanong tumakas ang gunman matapos ang pamamaril. Naisugod naman sa ospital ang biktima na ngayo'y nasa maayos na na kondisyon.

Inaalam pa ng Makati City Police kung ano ang motibo sa pamamaril.

Pero batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, kaluluwas lamang pala ng biktima sa Maynila mula  Misamis Oriental kasama ang kanyang 9-anyos na anak.

Dadalawin sana ng mag-ina ang dati niyang asawang Amerikano na nasa isang ospital sa Makati na hindi na umano maganda ang kalagayan.

"Hiniling umano ng kanyang ex-husband na makita man lang ang bata. Ang ex-husband po pinasundo yung kanyang asawa from the airport," pahayag ni Police Major Christopher Obrial, chief ng SIDMB ng Makati PNP.

Ang Amerikano raw mismo ang kumuha ng driver para sumundo sa mag-ina sa airport.

Pero habang papunta sa ospital, bigla umanong itinigil ng driver ang sasakyan sa isang convenience store at inutusan ang biktima na bumili ng juice at siopao dahil mababa na raw ang kanyang blood sugar.

Ayon sa ulat, may person of interest na ang mga pulis, at balak ng mga awtoridad na kunan ng salaysay ang driver at ang Amerikanong dating asawa ng biktima para sa ikalilinaw ng kaso.

Patuloy pang inaalam ng mga pulis ang pagkakilanlan ng gunman. —LBG, GMA News