Kaagad na nasawi ang isang motorcycle rider nang magulungan siya ng isang 18-wheeler truck sa Roxas Blvd. sa Maynila. Ang driver ng truck, hindi kaagad nalaman na may nasagasaan siya.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa South bound lane sa Roxas Blvd. kanilang dakong 2:00 am.

Ayon sa driver ng truck na si James Bautista, galing sila sa Pampanga at maghahatid ng mga karga nilang wall panel sa Macapagal Blvd. sa Pasay nang mangyari ang insidente.

Mabagal din lang daw ang takbo nila at hindi niya namalayan ang nangyari kaya nagtuloy-tuloy lang ang takbo niya.

Ilang motorista umano ang humabol sa kaniya at sinabihan siya na may nasagasaan siyang rider.

"Kuwento ng ibang nakamotor din, nalubog daw po siya [biktima] sa lubak. Tapos pagkatumba niya po sa amin po papunta," ani Bautista.

Sa dulong bahagi umano ng gulong ng truck nahagip ang biktima.
Nasa kostudiya na ng pulisya si Bautista habang patuloy ang imbestigasyon.--FRJ, GMA News