Naaresto ng mga awtoridad ang itinuturing lider umano ng isang investment scam na "Masa Mart." Ang suspek, lalabas na ng bansa at nadakip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing papalipad na sana patungong Taiwan ang suspek na si Jesse Royo — chairperson ng “Masa Mart — nang mahuli siya ng Criminal Investigation and Detection Group- Major Crimes Investigation Unit (CIDG-MCIU) sa NAIA Terminal 2.

Pinaghahanap ng mga awtoridad si Royo sa kasong syndicated estafa matapos na itakbo umano nito ang milyong-milyong piso ng aabot sa 5,000 investors na nagpasok ng pera sa “Masa Mart.”

Nangako raw ang suspek sa mga biktima mapapalago niya ang pera ng mga ito sa pamamagitan ng foreign exchange trading.

“Pagbaba pa lang po niya, we immediately accosted him and told him we’re arresting him to a warrant which is a non-bailable case,” saad ni CIDG-MCIU Chief Plt. Col. Emerey Abating.

“Siya po talaga ang pinaka-lider ng Masa Mart which have victimized more than 5,000 persons. Minimally, mga P500 million,” dagdag niya.

Ilang complainants naman ang dumagsa sa opisina ng CIDG matapos mahuli si Royo. Kabilang dito ang isang negosyante na natakbuhan ng aabot sa P54 milyon.

"Naibenta ko lupa ko. Pati ‘yung nasa bangko. Nag-away kaming mag-asawa kasi ‘yung mga kamag-anak niya, napasali namin. Napagbintangan kami. Nagduda sila na nasa amin ang pera,” kuwento ng biktima.

Ganito rin ang kuwento ng dalawa pang biktima na lumipad pa mula sa Cotabato City papuntang Maynila.

Sinubukan hingin ng GMA News na hingan ng panig ang suspek ngunit tumanggi na siyang magsalita dahil nakasampa na ang kaso.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News