Itinuturing nang "pugante" ng pulisya sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag at dating Deputy Officer Ricardo Zulueta matapos maglabas ng arrest warrants ang dalawang korte laban sa kanila.
Nitong Linggo, sinabi ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Redrico Maranan sa panayam ng GMA Super Radyo DZBB, na hinahanap na ng mga pulis sina Bantag at Zulueta para isilbi ang arrest warrant.
Ang Regional Trial Courts ng Las Piñas at Muntinlupa ang nagpalabas ng mga warrant laban kina Bantag at Zulueta kaugnay sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid, at umano'y middleman sa pagpatay kay Lapid na si Jun Villamor.
Kabilang umano ang Bulacan at Caloocan sa mga lugar na pinuntahan ng mga awtoridad para hanapin sina Bantag at Zulueta.
Walang piyansa na nakalaan sa kasong murder na kinakaharap ng dalawa.
Binaril at napatay si Lapid sa Las Piñas noong October 3, 2022, habang sa loob ng New Bilibid Prison naman pinatay si Villamor noong October 18, 2022, ilang araw matapos madakip at magsalita ang gunman na si Joel Escorial.
Nauna nang itinanggi ng mga kampo nina Bantag at Zulueta ang mga paratang laban sa kanila.— FRJ, GMA Integrated News