Tinamaan ng baha at pagguho ng lupa ang ilang lugar sa Gitna at Hilagang Luzon matapos ang tuloy-tuloy na pag-ulan—dulot ng habagat at ng isang bagyong dumaan kamakailan—at nakaantala sa pag biyahe at piliting pag-likas ng ilang mga pamilya.
Sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija, binaha ang isang pangunahing kalsada sa Barangay Bagong Silat, kung saan umabot ang tubig hanggang tuhod sa ilang bahagi nito. Nahirapang dumaan ang mga motorista habang kinailangan namang maglakad sa tubig baha ang mga residente.
Sa Cabanatuan City, 14 na barangay ang nakaranas ng pagbaha, kabilang ang Barangay San Juan ACCFA, kung saan abot tuhod ang lalim ng tubig sa kalsada. Ilang pamilya ang inilikas, habang gumamit naman ng mga bangka ang ilang residente upang makagalaw sa mga binahang parte ng bayan.
Sa Calasiao, Pangasinan, nalubog sa tubig ang isang covered court sa Barangay Cabilocaan, kaya napilitang huminto sa paglalaro ng basketball ang mga bata. Ayon sa mga residente, matagal nang problema sa barangay ang pagbaha dahil sa mababang lokasyon nito at hindi sapat na sistema ng daluyan ng tubig. Sinabi naman ng mga punong barangay na plano nilang ayusin ang drainage network upang mabawasan ang pagbaha sa kanilang lugar.
Samantala, nagkaroon ng pagguho ng lupa, putik at bato sa isang kalsada bayan ng Adams sa Ilocos Norte dahil sa tuloy-tuloy at malakas na ulan.
Agad nagsagawa ng clearing operations ang mga awtoridad upang muling buksan ang apektadong lugar at hinimok ang mga residente na manatiling alerto, dahil maaaring magdulot ng karagdagang mga landslide ang patuloy na pag-ulan. —RF GMA News

