Pansamantalang nakalaya ang kapatid ng actress-TV host na si Kim Chiu mula sa pagkakadetine sa Quezon City matapos na maglagak ng piyansa na mahigit P5 milyon.
Ngayong Biyernes, kinumpirma ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera sa GMA News Online, na nakalabas ng detention facility ang kapatid ni Kim nitong Huwebes ng hapon.
"Confirmed. She was released from Quezon City Jail Female Dormitory yesterday, 24 September 2026, at 5:32 p.m.,” sabi ni Bustinera sa isang mensahe.
Inaresto ang kapatid ni Kim noong Linggo ng hapon sa Mandaluyong City sa bisa ng warrant of arrest na inilabas laban sa kaniya para sa 124 count ng Qualified Theft.
BASAHIN: Kim Chiu, dumalo sa arraignment ng kapatid sa QC Hall of Justice
Sa isang manhunt operation, sinabi ng pulisya na nahuli ang kapatid ni Kimng mga operatiba ng Kamuning Police Station sa isang parking area sa Saint Francis St., Barangay Wack Wack sa Mandaluyong City bandang 4:06 p.m.
Inilabas ang warrant ng Branch 24 ng Quezon City Regional Trial Court, na nagtakda ng piyansa na P5,838,000.00.
Noong Disyembre 2025, nagsampa si Kim ng reklamong qualified theft laban sa kaniyang nakatatandang kapatid matapos matuklasan ang “serious financial discrepancies” sa kaniyang negosyo.
"This decision did not come easily. It is one of the most painful steps I have ever taken in my life," sabi ng aktres sa isang naunang pahayag.
“Unfortunately, substantial amounts connected to my business assets were found missing. These discoveries forced me to take formal action to protect not just my company, but also the livelihoods of the people who work with me and the integrity of everything I have built,” dagdag niya.
Naghain ng not guilty plea ang kapatid ni Kim sa kasong qualified theft noong Huwebes. – Jamil Santos/FRJ GMA News
