Ikinuwento ni Sheree na miyembro ng Viva Hotbabes ang ginawa niyang pagsampal sa isang lalaki na dinakma umano ang maselang bahagi ng katawan ng kasama nilang artistang babae sa isang show nila noon sa labas.
Sina Sheree at Jennifer Lee, ang naging bisita sa nakaraang episode ng online talk show na Your Honor, na host sina Buboy Villar at Chariz Solomon.
Sa naturang panayam, tinanong ni Chariz sina Sheree at Jennifer kung nakaranas ba sila ng pambabastos kapag may show sila sa labas, na nauuwi sa kanilang pagganti sa pamamagitan ng pagsampal.
Ayon kay Sheree, may insidente na may lalaki siyang sinampal dahil sa hinawakan nito ang maselang bahagi ng katawan ng kasama nilang artista.
Kuwento niya, dahil nakikita na niya ang pagiging bastos ng lalaki, nagawa na niyang takpan ng kamay ang maselang bahagi ng kaniyang katawan.
Pero ang artista na nakasunod sa kaniya na tinawag niyang isang kilalang “popstar,” hindi nakaiwas at dinakma umano ng lalaki ang maselang bahagi ng katawan nito.
“Habang naglalakad [kami], kunwari nakatayo siyang ganun tapos ginanun niya yung isang artista [hinawakan sa maselang bahagi ng katawan] Eh, nakita ko,” ayon kay Sheree.
“Yung nasa likod [ko] nahawakan niya talaga, eh ano pa ‘yon isa siyang popstar na sobrang kilala. Naawa ako sa kaniya, nakita ko kung paano niya dinakma yung artista. Talagang sinampal ko siyang ganun [yung lalaki],” patuloy niya.
Sa lakas ng kaniyang pagsampal, nabasag umano ang suot na bracelet ni Sheree.
“Sinampal ko talaga si kuya para ma-feel niya na mali yung ginagawa mo. Bastos ka,” dagdag niya.
Samantala, ibinahagi naman ni Jennifer ang kaniyang karanasan nang minsan nakasama sila sa kampanya sa eleksyon para magtanghal.
Nang mag-alisan na umano ang mga kandidato, iilan na lang ang security na naiwan sa kanila at nagsimula nang mag-akyatan ang mga tao sa stage na halos hindi na makontrol.
Mabuti na lang umano na kasama nila si Giselle Sanchez na naging palaban at sinabihan ang mga tao na subukang lumapit sa kanila.
“Buti na lang kasama namin si Giselle Sanchez, ang galing niya. Sabi niya, ‘Sige maglapitan kayo!’ Naglayuan [naman] yung mga tao,” kuwento ni Jennifer.
“The more na sabihin niya na lumapit, mas lumalayo ang mga tao. Natakot sa kaniya,” dagdag pa niya.
Ayon kay Jennifer, si Giselle na ang nagmistulang security nila hanggang sa makababa sila sa stage at makaalis. – FRJ GMA News
