Dahil sa naramdamang kalungkutan, pinili ng isang padre de pamilyang OFW na hindi na lumingon kahit na tinatawag siya ng mga anak habang paalis siya ng airport upang muling magtrabaho sa ibang bansa.
Sa ulat ng GMA News Feed, itinampok ang video ng amang si Philip na inihahatid ng kaniyang asawang si Toni Rose, at kanilang mga anak na sina Elisha, 7-anyos, at Elvira, 5-anyos.
Bago nito, nagbakasyon muna ng isang buwan si Philip, hanggang sa kailangan na niyang bumalik sa Canada bilang isang housekeeping room attendant.
Sa kanilang paghatid sa ama sa airport, mas naiintindihan na nina Elisha at Elvira kung bakit kailangang muling umalis ang kanilang ama.
Sa pagpasok pa lang nila sa airport, hindi na napigilang maluha ni Elvira nang magkatitigan sila ama at gusto nitong sumama sa kaniyang pag-alis.
Kaya pati si Elisha, pinipigilang maluha at mababakas din ang kalungkutan sa mukha.
Ayon kay Philip, ayaw na ng kaniyang anak na paalisin siya.
Dahil sa kalungkutang kaniyang naramdaman, habang papalayo ang kaniyang pamilya, pinili na lamang ni Philip na hindi lumingon, kahit pa naririnig niyang tinatawag siya ng kaniyang anak.
Ayon kay Philip, hindi ang maglakad palayo ang pinakamahirap na bahagi ng pag-alis, kundi ang pagpigil na lumingon at bumalik para sa isa pang yakap o paalam.
Bilang padre de pamilya, titiisin ni Philip ang hamon at sakit na malayo sa pamilya kapalit ng pagkakataong makaahon sila at mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya. – Jamil Santos/FRJ GMA News
