Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) at pinagpapaliwanag ang isang miyembro ng isang P-pop girl group dahil umano sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho.
Sa inilabas na pahayag ng LTO nitong Miyerkoles, nakarating umano sa kanilang tanggapan ang video ng naturang miyembro ng P-pop girl group na nire-record ang sarili habang nagmamaneho nang mahulog ang kaniyang cellphone.
“Sa halip na huminto muna sa ligtas na lugar, yumuko siya upang kunin ang cellphone sa ilalim ng sasakyan. Makikita rin na hawak niya ang cellphone gamit ang dalawang kamay habang nagmamaneho, isang delikadong kilos na maaaring magdulot ng aksidente at panganib sa kaniyang kaligtasan at sa iba pang motorista,” saad sa pahayag,
Hindi tinukoy sa pahayag kung sino at anong grupo ang kinabibilangan ng driver.
Dahil sa video, inatasan umano ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, ang ahensiya na imbestigahan ang naturang personalidad sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO).
Inaatasan ang entertainer na pumunta sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa East Avenue, Quezon City sa Nobyembre 20, 2026, at pinagsusumite ng sinumpaang paliwanag, at mga kaukulang dokumento.
Kabilang umano sa mga posibleng paglabag na nagawa ng mang-aawit ay hindi pagsunod sa Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act, Reckless Driving, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Maaari umanong maging batayan ito upang suspendihin o bawiin ang lisensya ng driver. Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, inatasan ang driver na isuko ang kaniyang driver's license sa IID at isasailalim sa 90-araw na preventive suspension.
“Trabaho po namin na tiyaking naipatutupad ang batas nang patas at walang kinikilingan, anuman ang katayuan o kasikatan ng isang tao. Sikat man o hindi, inaasahan nating sumusunod ang lahat sa batas-trapiko, at kung mapatunayang may paglabag, ipatutupad ng LTO ang kaukulang parusa,” ani Lacanilao. – Jamil Santos/FRJ GMA News

