Umaasa si Philippine Ambassador to Washington Jose Manuel Romualdez na magkakaroon ng pagbabago sa immigration policy ng United States na naapektuhan ang ilang Pinoy doon. Kasunod ito ng makasaysayang pagkapanalo ng Democratic Party sa katatapos na US midterm elections.

Ayon kay Romualdez, tiyak na makatutulong upang mabawasan ang pangamba ng mga Pilipinong “kuwestiyonable” ang immigration status sa US sa posibleng pagbabago sa mga patakaran ng nasabing bansa, lalo na sa gitna ng mahigpit na kampanya ng administrasyong Trump laban sa mga illegal immigrant.

“Some of the policies that affect us, including ‘yung sa immigration, there could be some changes dahil the Democrats have been pushing for a different approach especially in the detention at saka arrest ng mga illegal aliens sa United States,” paliwanag ng embahador sa panayam ng Super Radyo dzBB.

“Hopefully it would be a different kind of approach, maybe. But we will see what happens,” dagdag niya.

Sinabi ni Romualdez na regular na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Washington DC sa US Department of Homeland Security, upang alamin kung paano mababawasan ang pasanin ng mga Pilipinong apektado ng mahigpit na immigration policies.

Nauna nang hinimok ng envoy ang mga Pilipinong may “kuwestiyonableng” immigration status sa US na kusang umalis sa bansa dahil sa paghihigpit ng administrasyong Trump sa mga patakaran sa immigration at visa.

Pinayuhan din ng Philippine Embassy ang mga Pilipinong may alalahanin tungkol sa kanilang immigration status na kumonsulta sa kuwalipikadong US immigration attorney o kinikilalang legal service provider upang makakuha ng payong naaayon sa kanilang sitwasyon.

Samantala, sinabi ni Romualdez na maaaring hindi gaanong makaapekto sa Pilipinas ang pagkontrol ng Democratic Party sa US Congress sa pangkalahatan.

“Para sa atin, it will not be too much of an effect dahil marami tayong kaibigan both from the Democrats at saka sa Republicans,” saad ng opisyal.

“We have a bipartisan support from the US Congress. So I think it will be the same,” dagdag niya. — FRJ GMA News