Nagluluksa ngayon ang Filipino-American singer na si Bruno Mars sa pagpanaw ng kaniyang ama na si Peter Hernandez.

Sa Instagram, ibinahagi ni Bruno ang isang madamdaming pagpupugay niya sa kaniyang ama. Binalikan niya ang huling pagkakataong magkasama sila at ang mahalagang papel na ginampanan ni Peter sa kaniyang buhay.

“Last week I got to hug my father one last time,” saad ni Bruno.

Ibinahagi ng Grammy-winning artist na ang kaniyang ama ang nagturo sa kaniya ng lahat ng kaniyang nalalaman, partikular sa musika.

“If you’ve ever seen me talk about him I’ve always said that he’s the man that taught me everything I know, especially when it comes to music. He raised my four beautiful sisters, my brother, and me. In my eyes he was the greatest dad in the world, and I will miss him everyday until we meet again,” saad pa ng mang-aawit.

Tinapos ni Bruno ang kaniyang mensahe sa isang madamdaming pamamaalam sa kaniyang ama.

“I Love you Pops. Kiss mom up there for me,” aniya.

Pumanaw ang ina ni Bruno na Pilipina na si Bernadette San Pedro Bayot noong 2013.

Isang American percussionist at pinuno ng doo-wop band si Peter.

Nakatakdang bumisita si Bruno sa Pilipinas sa Mayo 2027 para sa kaniyang "The Romantic Tour."

Kabilang sa mga sikat niyang awitin ang “Just the Way You Are,” “When I Was Your Man,” “That’s What I Like,” “Talking to the Moon,” at iba pa. —Carby Rose Basina/FRJ GMA News