Alam na raw ng duktor ni Solenn Heussaff ang kasarian ng kaniyang magiging baby pero sadya raw nilang hiniling ng kaniyang mister na si Nico Bolzico na huwag itong sabihin sa kanila.

Taliwas nga sa ibang celebrity na nagkakaroon ng gender reveal at baby shower, nais daw nina Solenn at Nico na sa mismong araw ng panganganak ng aktres nila malaman ang gender ng kanilang first baby.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, ikinuwento ni Solenn ang kaniyang naramdaman at ginawa nang araw na malaman niyang buntis siya.

"Siyempre happy. Umiyak ako, nag-hug ako kay 'Pocholo.' Kasi it's just me and my dog at home. But I didn't tell like my parents din until I was almost three months," pagbahagi niya.

Nalaman daw niya na buntis siya nang pumasok na ang kaniyang karakter na si Lianne bilang si Hippie sa Kapuso series na "Love You Two."

Nasa ibang bansa naman daw si Nico nang sandaling iyon at ibinalita niya ang kaniyang pagiging buntis sa telepono.

Perfect timing daw ang pagdating ng kanilang baby dahil nabuo na nila ang kanilang dream home, at natapos na ang kaniyang big project kasama si Benjamin Alves na pelikulang "Misterio dela Noche."

Bagaman wala pa raw siyang pinaglilihian ngayon at morning sickness, pero napansin niyang ayaw na niya ng lasa ng kape. --FRJ, GMA News