Idinaan sa online posts ng ilang Pinoy ang naranasan nilang pakikipagtransakyon sa mga ahensiya ng gobyerno, gaya ng naghahanap umano ng dalawang balidong IDs. Ang pinuno ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) may nilinaw tungkol sa bagay na iyan. Alamin.

Sa panayam ng Unang Hirit nitong Biyernes, sinabi ni ARTA Director General Secretary Ernesto Perez, na sapat na ang isang government ID, lalo ang national ID, para sa mga transaksiyon sa gobyerno.

“Inaksyunan po natin ‘yan ‘yung requiring two valid IDs. Bawal na po ‘yon. One valid ID is already sufficient. Lalo na po ‘yung ating National ID. It's already considered a valid ID,” ayon kay Perez.

“Kung meron pa rin po kayong ganiyan na experience, mga kababayan, na any government agency, even banks, requiring two valid IDs, i-reklamo po ninyo at makakaasa po kayo na mareresolba natin,” dagdag niya.

Ayon pa kay Perez, “thing of the past” na ang paghihingi ng dalawang valid IDs.

“Only one valid is required and it is sufficient,” pagdiin niya.

Tinugunan din ni Perez ang iba’t ibang concern ng netizens hinggil sa mga serbisyo sa gobyerno.

Ilan ang nagmungkahi na maging bukas ang mga opisina sa gobyerno kapag weekend, dahil ito ang libreng araw para sa mga manggagawa kung may kailangang asikasuhin sa gobyerno.

Ayon kay Perez, may mga website o portal ang ilang ahensiya ng gobyerno, kahit ang local government units, kung saan puwedeng magreklamo ang mga mamamayan kahit weekend.

Kung hindi naman kuntento sa mga AI na mga virtual assistant, maaaring magpadala ng reklamo sa complaints@arta.gov.ph.

Ilan pang netizens ang nagrereklamo tungkol sa mga mahal na singil sa photocopy machines ng mga ahensiya ng gobyerno.

“Kasama sa serbisyo ng government agency ang magkaroon ng photocopy machine doon para for convenience, dapat i-declare nila ‘yun sa kanilang citizens charter. At dapat naka-fix doon kung magkano ‘yung charge. Kung halimbawa, P1, P2, P5 per copy. Puwede po ‘yun. Pero ‘pag hindi po ‘yun nakalagay sa kanilang citizen charter, bawal po ‘yun,” paliwanag niya.

Hinggil naman sa mga mainit na hintayan o mahahabang pila at walang masilungan, sinabi ni Perez na naglabas na ang ARTA ng circular sa pamamagitan ng Compliance Monitoring and Evaluation Office (CMEO) nito, na dapat kumportable at maayos ang waiting area para sa mga mamamayan.

Dapat ding mayroong public assistance and complaints desk, at special lanes para sa senior citizens at mga PWD.

Bawal na rin sa mga empleyado ang magsungit, batay sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

“Dapat under sa ating Konstitusyon, ang ating mga mamamayan, ‘yung serbisyo publiko ay karapatan ng bawat mamamayan. At ang ating gobyerno ay obligado na magbigay ng tamang serbisyo sa ating mga kababayan,” saad ng opisyal.

Ibinalita rin ni Perez na nabawasan na ang mga fixer, lalo na sa Land Transportation Office.

Ang ARTA ang ahensiya ng gobyerno na nagbabantay sa ibang ahensiya para tiyakin na mabilis at tama ang serbisyo at madali ang pagkikipag-transaksiyon. – FRJ GMA News