Inihayag ni Arra San Agustin na layon ngayon ng kaniyang online show na "Taste MNL" na tulungan ang mga lumilipat sa online selling sa gitna ng COVID-19 pandemic kung saan marami ang nawalan ng trabaho.

Sa panayam sa kaniya ng GMA Regional TV, sinabi ni Arra na pinakamalaking pagbabago sa kaniyang Taste MNL ang shoot from home.

"The foremost adjustment that we're doing while we shoot Taste MNL is shooting at home, obviously kasi hindi puwedeng lumabas, hindi pa puwedeng magpunta sa mga restaurants along the metro," sabi ng Kapuso actress.

Tinatampok sa Taste MNL ang mga restaurant at iba pang businesses sa Metro Manila na naghahain ng quality at affordable na mga pagkain, na pupuwedeng subukan ng netizens.

Ngunit dahil sa mga mas estriktong community quarantine, limitado muna ang pinayagang mag-dine in sa mga restaurant.

"Our main objective now is to help small business owners. Kasi marami nang nag-transition into online food selling because of the quarantine. Many people have lost their jobs. So tinutulungan lang namin na ma-feature for free!" sabi ni Arra.

Ikinuwento rin ni Arra ang ginawa niyang pagsuporta sa isang programa na naglalayong tulungan ang mga taong walang mapagkukunan ng malinis na inumin. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News