Sinimulan ni Gladys Reyes ang bago niyang paandar na pagkaraoke habang naghu-hula hoop, na naghatid ng good vibes maging sa OFWs.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, makikita ang pag-multi-task ni Gladys kung saan pinagsasabay niya ang pagkanta habang humahataw sa kaniyang hula hoop.

Nagsilbi na rin itong bonding nila ng kaniyang mommy, na enjoy sa hula hoop.

Sa edad 67, tila mas magaling pa raw ang kaniyang ina na gumiling at kumembot, biro ni Gladys.

"Hindi lang tayo, kundi dapat pati 'yung parents natin, 'yung seniors natin, importante na nakapag-e-exercise rin sila," sabi ng veteran actress.

Simula ng pandemya, seryoso sina Gladys at kaniyang pamilya na pangalagaan ang kanilang kalusugan. Hindi man siya magaling na dancer, ito naman ang nagbibigay ng saya sa kaniya.

Nagme-message din kay Gladys ang mga OFW na nagpasalamat sa kaniya na napawi ang kanilang lungkot dahil sa videos niya online.

"You have to find time to take care of yourself. Taking care of yourself is not selfish. Kailangan kasi nating mommies na maging healthy for our kids. What if tayo na ang magkasakit? Mas malaking problema yon," sabi ni Gladys. – Jamil Santos/RC, GMA News