Muling nagpakilig ang "Team Jolly" nina Sofia Pablo at Allen Ansay sa kanilang pagsabak sa isang compatibility test kung saan sinagot nila ang tanong kung naniniwala silang soulmate nila ang isa't isa.

Sa unang bahagi ng compatibility test, agad na nakita ang pagiging close nina Sofia at Allen nang tumumpak sila sa mga tanong tungkol sa isa't isa, tulad ng kanilang mga dream role, kinatatakutan, favorite hobby, sino ang madalas magtampo at magselos.

Pero tila naging mas seryoso na ang challenge nang sagutin na nila ang tanong tungkol sa kanilang relationship status.

"Special person," sagot ni Sofia tungkol kay Allen.

"Magka-ibigan" naman ang sagot ni Allen tungkol kay Sofia.

Inilahad ng dalawa kung naniniwala sila sa soulmates.

"Ako oo... Kasi dati pinapanood ko lang si Aki (Sofia) sa TV, nadadapa pa siya sa Sherlock Jr. noon. Tapos isipin mo naman, bigla akong makakapasok sa pagiging artist tapos makikita ko siya," kuwento ni Allen.

"Unang impression pa namin, masungit siya. Tapos ngayon ang saya-saya namin, ang saya natin sa isa't isa, kaya naniniwala talaga ako," dagdag ng binata. "Hindi ko inisip na 'yung sungit na 'yun magiging magka-ibigan."

Tila hindi naman nakasagot si Sofia sa tanong.

"Yes kasi uhhhm... secret! Uuhmm, hindi ko alam, pero ever... hmmm.. secret! Basta naniniwala ako," sagot ni Sofia.

Sa kabila ng madalas na pagsasama sa mga Tiktok video na umaabot ng milyong views at pagiging magka-love team, nilinaw nina Sofia at Allen na hanggang friends lang muna sila. – Jamil Santos/RC, GMA News