Sa kabila ng madalas na pagsasama sa mga Tiktok video na umaabot ng milyong views at pagiging magka-love team, nilinaw nina Sofia Pablo at Allen Ansay na hanggang friends lang muna sila.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi nina Sofia at Allen na batid din nila ang kani-kanilang priorities.

"Puwede po kaming dumating sa time na 'yun, pero hindi pa po ngayon," sabi ni Allen, na tinatawag din na Jolly Boy para sa Jolly Team nila ni Sofia.

"Kasi marami pa po kaming goals sa buhay namin. Marami pa kaming gustong matupad na pangarap namin. Kaya lagi naming pinag-uusapan, i-enjoy muna namin [ang friendship]," patuloy ng binata.

Matapos maging patok ang kanilang AlFia vlogs pati na rin ang kanilang Tiktok videos, mapapanood na rin ang tambalan nina Sofia at Allen sa isang TV project.

Dream come true ito para dalawa, na tiyak ikatutuwa ng "Team Jolly" o kanilang fans.

"Hinintay ko pong na makapag-work na ako ulit tapos kasama ko pa si 'Jolly boy' so wow, ang saya! And siyempre iba 'yung saya kapag kasama mong magtrabaho 'yung taong kumportable ka. Para kang may kaibigan sa set," sabi ni Sofia.

"Sobrang sarap sa pakiramdam na pagkatapos ng lahat namin ni Sofia, nagva-vlog lang kami, nagti-Tiktok, tapos ngayon magsasama na kami sa teleserye. Kaya talagang nakaka-excite," sabi ni Allen.

Gayunman, hindi muna nila ni-reveal kung saang proyekto sila magsasama.

Sigurado naman si Sofia na mapapanood na siyang muli sa Book 2 ng Prima Donnas bilang si Len Len.

Pinaghahandaan nang muli ni Sofia ang role.

"May pinag-aaralan po ako for Len Len 2.0. Pinag-aaralan ko po talaga siya kasi I think it will be isa sa main characteristics ko na pagbalik na gano'n na ako. So talagang sabi ni direk Gina [Alajar] aralin mo ito ha," ani Sofia.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News