Ipinakita ni Willie Revillame sa kaniyang programang "Wowowin-Tutok To Win" ang matinding pinsala na idinulot ng bagyong "Odette."

Nakiramay ang TV host sa mga nawalan ng mahal sa buhay, at nakisimpatiya rin siya sa mga nawalan ng ari-arian at kabuhayan.

Ayon kay Kuya Wil, pag-aaralan niya kung papaano ipararating ang kaniyang tulong sa mga nasalanta ng bagyo.

"Anuman ang maiisip naming pagtulong sa inyo... pag-iisipan namin kung papaano gagawin. Siyempre ibibigay (ipadadaan) natin sa mahal na pamahalaan para (malaman) kung ano ang dapat gawin," aniya.

"Hindi kami puwedeng manghimasok diyan, hindi kami basta-basta puwedeng dumating diyan dahil may mga protocols na tinatawag," paliwanag ni Kuya Wil.

Hinikayat niya ang iba na tumulong din, at huwag na munang isipin ang pulitika.

Sabi pa ni Kuya Wil, na huwag nang pag-isipan ng ibang intensiyon ang mga politiko na magkakaloob ng tulong sa mga sinalanta ng kalamidad.

"Kalimutan ho muna natin ang pulitika. Saka hindi magandang isipin na kapag nagpunta ang mga kandidato eh namumulitika, hindi ho. Ito talagang gagawin nila 'yan para makatulong sa inyo," ani Kuya Wil.

"Lahat ng mga kumakandidato, huwag niyo nang isipin ang sasabihin ng ibang tao basta makatulong kayo," payo niya.

--FRJ, GMA News