Matapos na ikasal, plano na kaya agad nina Glaiza De Castro at David Rainey na bumuo ng sarili nilang pamilya?

Sa exclusive interview ng PEP.ph, sinabi ni Glaiza na kasama sa plano nila ni David ang magkaroon ng mga anak pero nasa proseso pa raw sila ng "transitioning."

"Medyo matagal-tagal pa po. Kasi we're still planning for our wedding here, saka 'di rin ganon kadalai mag-settle," anang aktres.

"Medyo mahaba-haba pang time 'yung kailangan namin for transitioning," dagdag ni Glaiza.

Nasa Ireland si David at posibleng manatili rin sa Pilipinas matapos ang long-distance relationship nila ni Glaiza.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Glaiza na salitan muna ang pananatili nila sa Ireland at sa Pilipinas.

Kabilang sa plano nila ang pagtatayo ni David ng cafe sa Baler, Aurora, at siya ang mamamahala.

Ayon kay Glaiza, posibleng dalawang taon pa bago sila magkaroon ng anak ni David.

Marami na rin umano ang nagtatanong sa kaniya kung kailan sila mag-aanak ni David.

"Excited lahat, I'm also excited, kasi nakikita namin sa friends namin kung paano 'yun," anang aktres.

"Iniisip namin it's all ahead of us, pero kailangan namin ng more time to adjust," dagdag niya.

Noong nakaraang Oktubre ikinasal sa tradisyon na paraan sa Ireland sina Glaiza at David. Pero noong Pebrero lang ito sinabi ng aktres.

Plano nilang magpakasal muli sa Pilipinas.—FRJ, GMA News