Sa kaniyang pagbabalik sa Kapuso Network, inilahad ni Rufa Mae Quinto na gusto pa niyang masubukan ang iba pang role, tulad ng pagiging isang ina.

"Ngayon, mga mother figure na rin, mother role. Kumbaga mas puwede na akong [maging ina] ngayon," sabi ni Rufa sa isang video ng Kapuso Showbiz News.

"Kasi dati iba 'yung role, puro funny, sexy mga ganiyan. Eh ngayon, mas maganda na dahil mas may puso na talaga," dagdag ng sexy comedianne.

Matatandaang inanunsyo noong nakaraang buwan ang pagbabalik ni Rufa sa kaniyang home network bilang ang pinakabagong star ng Sparkle, ang talent management arm ng GMA Network.

Ayon kay Rufa, nagulat din siya mismo sa bilis ng mga pangyayari.

"Laging sakto lahat ng pagbabalik ko. Nagka-management, nagkaroon ng back to GMA," sabi ni Rufa.

"Lumaki rin ako Rufa Mae ako sa GMA, lahat ginawa ko na diyan, magpakain sa buwaya na lang ang hindi," natatawa niyang biro.

"Nag-host ako, nag-sitcom, nag-gag show, naging mermaid, naging Darna," dagdag pa niya.

May isa nang anak si Rufa at ang asawang si Trevor Magallanes na si Alexandria Athena.-- FRJ, GMA News