Inihayag ni Miss Universe Spain 2021 Sarah Loinaz ang paghanga sa Kapuso acotr na si Alden Richards nang matanong ng isang netizen.

Bumisita sa bansa si Sarah at nagsagawa ng Q&A sa Instagram Stories nitong Huwebes.

Kabilang sa itinanong sa kaniya ng followers ay ang tungkol kay Alden.

"Is Alden Richards handsome in person?" tanong ng isang netizen sa beauty queen.

Nag-yes si Sarah at makikita ang larawan nila ni Alden. Pero higit pa sa pagiging guwapo ang katangian na nagustuhan ni Sarah sa aktor.

"But the best thing about him is he is so humble. I learned that he help [sic] many charities," saad niya.

Una rito, nag-post si Sarah ng larawan niya habang nasa Viva Artist Agency.

Kaya may nagtanong din kung para saan ang pagbisita niya sa naturang tanggapan.

Simpleng tugon ng beauty queen, "Tune in", na may kasamang Philippine flag emoji.

Sinabi ni Sarah sa isang post na mami-miss niya ang Pinoy kapag bumalik na siya sa kaniyang bansa.

"Loving this country and all the people who are so nice but I might come back soon," ani Sarah na special mention si Vic Del Rosario ng Viva Artist at si Josh Yugen.

"Can't wait to announce exciting things to happen in the Philippines," dagdag niya.

"Mahal ko kayo mga beks," saad pa niya.

— FRJ, GMA News