Pagkakataon naman ng aktres na si Amber Heard na magsalita sa korte sa Amerika na dumidinig sa defamation case na isinampa laban sa kaniya ng dating mister na si Johnny Depp. Ayon kay Amber, bayolente ang aktor kapag nagselos.

Sa isang insidente, sinabi ni Ambet na nagalit umano si Johnny nang malaman nito na mayroon silang kissing scene ng aktor na si James Franco sa pelikulang "The Adderall Diaries" noong 2015.

Habang sakay ng pribadong eroplano, sinabi ni Amber na tinawag siyang "slut" ni Johnny at bastos na tinanong kung ano ang "ginawa" sa kaniya ni James.

Ayon sa aktres, amoy "weed" at alak si Johnny nang sandaling iyon.

Ilang beses daw siyang lumipat ng upuan, at binato umano siya ni Johnny ng ice cubes at utensils.

Sinipa rin umano siya ng dating mister sa likod, at walang ginawa ang mga kasama nilang security guards at mga staff sa eroplano.

"I was embarrassed that he could kick me to the ground in front of people," ani Amber.

Sa hiwalay na pagkakataon, sinabi ni Amber na pinagbintangan siya ni Johnny na nakikipaglandian sa "flirting with someone" sa Met Gala sa New York.

Sa kanilang hotel room matapos ang pagtitipon, sinaktan umano siya ni Johnny.

"He just whacks me in the face," sabi ng aktres. "I suspected I had a broken nose."

Sa naunang testimonya ni Johnny, sinabi ng aktor na hindi niya sinaktan ang dating asawa. Sa halip, siya pa umano ang biktima ng pangmamalupit nito.

READ: Johnny, sinuntok, binato ng lata at dinuraan ni Amber, ayon sa bodyguard ng aktor

Nagsampa ng defamation case si Johnny laban kay Amber kaugnay sa lumabas na ulat sa The Washington Post noong December 2018. Inilarawan dito ng aktres ang sarili na "public figure representing domestic abuse."

Hindi tinukoy ni Amber ang pangalan ni Johnny pero nagsampa ng $50 million damage suit ang aktor laban sa kaniyang dating misis dahil pinapalabas umano siyang nananakit ng asawa.

Nagsampa naman ng kontra-demanda si Amber at humingi ng $100 million damages dahil umano sa naranasan niyang "rampant physical violence and abuse" sa aktor.-- Reuters/FRJ, GMA News