Masayang ikinuwento ng Kapuso comedian na si Betong ang insidente sa GMA building nang harangin siya at hanapan ng ID ng isang guard dahil hindi alam na artista siya ng network.

Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Betong na nangyari ang insidente noong 2019.

"Dala ko pa yung damit ko, sabi ko [sa guard]: 'Hi, kuya!' Yung naka-smile ka talaga," lahad ni Betong.

"Sabi sa 'ken [ng guard], 'ID mo?,'" patuloy ni Betong na nagsabing nagulat siya dahil wala namang ID na ibinibigay sa mga artista ang network.

Hindi naman daw masabi ni Betong sa guard na artista siya. Mabuti na lang na may isang guard ang nagsabi sa guard na sumita sa kaniya na artista siya.

Pero nakatingin pa rin sa kaniya ang guard kahit papalayo na siya matapos na sinabi na artista siya.

"Akala niya siguro utility [man] ako o ano," ani Betong.

Ayon kay Betong,  magkaibigan na sila ng naturang guard at may video pa sila na magkasama kung saan humingi ito ng paumanhin sa nangyaring insidente. --FRJ, GMA News