Nagdadalamhati si AiAi Delas Alas sa pagpanaw ng kaniyang 93-anyos na adoptive mother na si Mommy Justa.

Ipinaalam ng “Raising Mamay” star ang malungkot na balita nitong Huwebes ng hapon sa Instagram post.

Nag-post si AiAi ng video clips ng ika-90 birthday celebration ng tinatawag niyang “mama, mommy, mother goose, mudrakels, and originally inay.”

Ipagdiriwang sana ni Justa ang ika-94 na kaarawan sa July 19, ayon kay AiAi.

“[Di bale] mama, [good life] ka naman atsaka hindi ka nahirapan sa pag alis mo (the best ka talaga [Lord]. [S]uper pray ako kanina na wag ka mahirapan and hindi nga),” anang aktres.

“I love you and thank you sa pagmamahal, pag alaga, at pag papaaral sa akin. Rest ka na mama. [K]amusta mo ako kay [Lord and Mama Mary]," dagdag niya.

Si Justa ay nakatatandang kapatid ng ama ni AiAi.

Kasalukuyang nasa San Francisco si AiAi kasama ang asawa niyang si Gerald Sibayan. —FRJ, GMA News