Itinuturing blessing ni Rocco Nacino ang paparating nilang baby boy ni Melissa Gohing. Kasabay pa nito, sunod-sunod din ang natatanggap niyang proyekto.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sinusulit na nina Rocco at Melissa ang kanilang quality time sa isa't isa.

Nakatakda nang isilang ni Melissa ang kanilang baby boy sa Oktubre.

Pagkatapos ng kaniyang kinabibilangan serye na "First Lady," nakatakda na ulit sumalang si Rocco sa taping para sa panibagong project.

"Actually super suwerte ni baby kasi grabe 'yung blessings this year. Hindi ko akalaing magkakaroon ako ng isa pang show," sabi ni Rocco.

Malaki naman ang pasasalamat ni Melissa na bukod sa artista, isa ring registered nurse ang kaniyang asawa.

"Alam niya 'yung mga kailangang gawin kapag masakit 'yung likod ko, kaya super thankful. Hindi siya natataranta kasi meron siyang background," sabi ni Melissa.

Inanunsyo nina Rocco at Melissa na baby boy ang kanilang magiging panganay na anak nito ring Hunyo.

Ikinasal ang dalawa noong Enero ng nakaraang taon, at inanunsyo nila ang pagbubuntis ni Melissa nitong Mayo. --Jamil Santos/FRJ, GMA News