Lubos ang pasasalamat ni Jillian Ward sa mga magulang na ginagawang role model para sa kanilang mga anak ang kaniyang karakter na si Dra. Analyn Santos, ang pinakabatang neurosurgeon, sa "Abot Kamay Na Pangarap."

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nag-trending ang eksena ng sagutan nina Analyn, ginagampanan ni Jillian, at ni Lyneth, ginagampanan ni Carmina Villaroel, nang mawalan na umano ng respeto ang dalaga sa kaniyang ina.

Maraming netizens ang nadala sa sagutan ng mga karakter, dahilan kaya mataas ang ratings ng series.

"Ang dami pong mommies na tina-tag ang mga anak nila sa social media, sinasabi 'O ayan gayahin niyo si Dra. Analyn Santos, maging masipag sa studies, sa work.' 'Yung iba nga pong mga mommies, gusto nilang maging doktor 'yung mga anak nila. Kaya sobrang nakakatuwa po," sabi ni Jillian.

Patindi na rin ang mga eksena ngayong nalaman na ni Dr. Robert Tanyag, karakter ni Richard Yap, na anak niya si Analyn.

Natuwa rin si Richard dahil makatotohanan ang pagganap niya bilang doktor.

Ipinagmalaki ni Richard na nagagawa niya ito dahil nagagabayan sila ng mga tunay na doktor sa set.

Kahit matitindi ang mga eksena, sinabi ni Richard na nagkaroon ng magandang samahan ang cast habang ginagawa ang serye.

Sinuportahan naman ni Andre Paras ang sinabi ni Richard. Ani, Andre na gumaganap din doktor sa serye, nagkukulitan sila sa likod ng camera.--Jamil Santos/FRJ