Kilala ngayon bilang isang magaling na singer, inihayag ni Aicelle Santos na wala siyang planong tahakin ito noon at sa halip ay gusto niyang maging isang doktor.

"'Yung first sali ko I was 18. Sumali ako dahil sa pera talaga. I just needed the money, hindi ko binalak na maging singer," kuwento ni Aicelle sa Bawal Judgmental segment ng “Eat Bulaga” nitong Lunes.

Isa si Aicelle sa guest choices tungkol sa mga dalawa o higit dalawang beses sumali sa mga contest sa TV pero hindi naging grand winner.

Nasa kaniyang pre-med ng pag-aaral na noon si Aicelle nang sumali siya sa kaniyang kauna-unahang singing contest.

"Mukha po akong pera," biro ni Aicelle sa sarili.

Hindi man nakamit ang kampeonato, may naiuwi pa ring consolation prize si Aicelle.

"Hindi ko naman siya dinamdam. Kasi feeling ko baka hindi ito para sa akin."

Gayunman, muling sumubok si Aicelle at sumali sa “Pinoy Pop Superstar” noong 2005. Dito, naka-walong sunod-sunod na panalo siya hanggang sa makarating sa finals.

Itinanghal siyang first runner-up sa naturang contest.

"Whenever I want something, or try to do something…and if it doesn't happen, laging kong sasabihin 'Lord, okay, hindi naging smooth ang pasok ko maybe this is not for me. So I know you'll open doors for me.’ That's been me, sa milestones na nangyayari sa buhay,” sabi ni Aicelle.

"Kaya bawat milestone na pumapasok sorpresa siya sa akin kasi 'Talaga Lord, binigay mo sa akin ito? Salamat, salamat.’ Every time naiiyak ako,” dagdag pa niya. — VBL, GMA Integrated News