Isang Chinese national na hinihinalang biktima ng torture ang nailigtas mula sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

Nagsisigaw ang lalaking Chinese national kaya siya nadiskubre sa loob ng nakakandadong gusali sa loob ng naturang iligal POGO hub. Narinig ito ng ilang miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) na nagbabantay sa labas ng gusali.

Para makausap nang maayos, isang interpreter ang namagitan sa Chinese national at mga pulis. Ayon sa banyaga, ilang araw na siyang nakakulong at hindi pinapakain.

Dahil sa nadiskubre, nagkasa ng rescue operation ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) kasama ang PNP-SAF.

Gamit ang isang bolt cutter, sinira ng mga taga-PNP-SAF ang kandado ng gusali kung nasaan ang Chinese national. Pagpasok ay dumiretso sila patungo sa ikaapat na palapag kung saan nakakulong ang banyaga. 

Napag-alaman na walang kuryente sa nasabing gusali. Bukod dito ay napakainit pa sa loob.

Natunton ang Chinese national sa Room Number 4. Nakitaan siya ng ilang pasa sa katawan. Sa pamamagitan ng interpreter, ikinuwento niya kay PAOCC Usec. Gilbert Cruz ang naranasan niyang pananakit.

Tila naiyak pa ang Chinese national nang sabihin sa kanya ni Cruz na wala nang mananakit sa kanya at ligtas na siya.

Matapos maisagawa ang rescue operation, agad isinakay sa ambulansiya ang Chinese national para madala sa ospital. —KBK, GMA Integrated News