Nalalapit na ang pagiging isang ganap na dalaga ni Jillian Ward sa pagdiriwang ng kaniyang ika-18 kaarawan sa Pebrero nitong taon. Sino nga ba ang kaniyang crush, at ano ang tipo niya sa isang lalaki?

Sa podcast na Surprise Guest with Pia Arcangel, binalikan ni Jillian ang mga ka-close niyang dati ring child stars na nagbinata at nagdalaga na sa showbiz.

"Pinaka-close ko po siguro 'yung mga nakasama ko po talagang tumanda, sina Miggs Cuaderno po at Elijah Alejo. Halos lahat naman po sila ka-close ko kasi sabay-sabay na kaming tumanda," sabi ni Jillian.

Kuwento ni Jillian, magkasama na sila ni Elijah sa mga commercial kahit hindi pa sila nag-aartista.

Natanong ng host na si Pia Arcangel kung napag-uusapan din nila ang tungkol sa lovelife.

"Naku po, basta sa aming magkakaibigan ako ang pinakawala," sabi ni Jillian.

Ayon sa "Abot-Kamay na Pangarap" star, hindi pa niya nakakasama sa trabaho ang kaniyang mga crush.

"As in wala po talaga. Like, wala po ako 'yung nakakausap or nagiging crush po talaga na nakakasama ko."

Sa ngayon, mga international stars ang crush ni Jillian.

"Puro crush ko po ngayon is mga international na mga artista... Isa sa mga pinakaunang crush ko po, international po ito, si Zain Malik po."

Inilahad ni Jillian ang tipo niya sa isang lalaki.

"Halos lahat ng mga nagiging crush ko, talented talaga, hindi lang sa physicality lang. Mahilig ako sa mga talented," sabi niya.

"Personality po talaga, lalo na 'yung mabait," dagdag niya.

Gumaganap si Jillian bilang si Dra. Analyn Santos, ang pinakabatang neurosurgeon sa Pilipinas sa GMA Afternoon Prime series na Abot-Kamay na Pangarap.

Sinabi rin ni Jillian noon na handa na siyang tumanggap ng mas seryosong teenage roles.

Nakatakdang ipagdiwang ni Jillian ang kaniyang ika-18 kaarawan sa Pebrero 23. —LBG, GMA Integrated News