Tila isang boyband na magre-release ng kanilang single ang dating ng mga ginoo ng “Maria Clara at Ibarra” na sina David Licauco, Rocco Nacino, Juancho Triviño, at Kiel Rodriguez sa kanilang latest pose.

Sa Instagram ni Rocco, ibinahagi niya ang mga larawan nilang apat na nakagayak sa kanilang mga karakter sa hit historical portal fantasy series. Binansagan niya ang kanilang boyband na "Fili4."

 

“GMA Records, ready na kami sa single namin,” birong pag-tag ni Rocco sa record company ng Kapuso Network.

May pabirong hamon pa si Rocco sa Queendom ng All-Out Sundays.

“@alloutsundays7 request po kami ng biritan showdown laban sa queendom,” sabi ni Rocco.

Gumaganap si Rocco bilang si Elias, si David Licauco bilang si Fidel, Juancho bilang si Padre Salvi at si Kiel bilang si Renato. —LBG, GMA Integrated News