Masayang ikinuwento ng mag-asawang Luane Dy at Carlo Gonzalez kung papaano sila unang nagkakilala sa isang party. May pagkakataon din na nag-party crash si Luane sa birthday naman ng aktor.

“I knew Luane through same circle of friends na kapag may mga party katulad nu’n, the first time I met her was a birthday of a friend of ours, pero casual lang,” kuwento ni Carlo sa “Surprise Guest with Pia Arcangel” kung paano sila nagkakilala ni Luane.

“Casual lang, I went alone tapos nagkataon nandoon siya, in-entertain niya ako… Kami ang nag-usap, at that time kami ‘yung nakapagkuwentuhan, maayos naman. And then after nu’n wala, hindi pa tayo nagte-text nu’n eh,” pagpapatuloy ni Carlo.

“Wala kaming kakilala talaga doon sa party, ‘yung may birthday lang tapos parang it just so happened na nu’ng pinakilala niya kami, pareho kaming nasa Kapuso,” ayon naman kay Luane.

Kahit na nagkausap noon sa party, hindi agad nagtuloy-tuloy sa text o pag-uusap sina Carlo at Luane.

“As in ‘Hi! O Kapuso ka rin pala!’ ‘Okay, bye.’ ‘Nice meeting you. Bye’ gano’n,” kuwento ni Luane.

“Very casual, as in nothing talaga. Pero may nararamdaman na ako sa kaniya noon, may nararamdaman akong, ‘Bakit tingin nang tingin sa akin ito?’” biro ni Carlo sa kaniyang asawa.

Makalipas ang ilang buwan, kaarawan noon ni Carlo kaya may inimbitahan siyang isang kaibigan na pumunta sa kanilang bahay. Isinama ng kaibigan si Luane sa party ni Carlo.

“Party crasher lang ako sa birthday niya,” natatawang sabi ni Luane.

“Sabi ko, ‘Ano ba ito, nagdala pa ng bisita, papakainin ko pa ito,’” muling biro ni Carlo kay Luane.

“Tapos malakas pa ako kumain sa kaniya,” hirit ni Luane.

Ayon kay Carlo, natuwa siya nang makita sa kaniyang birthday party si Luane.

“Na-ano naman ako na parang, ‘Oh wow! You’re here!’” kuwento ni Carlo.

Hanggang sa nagkasama sina Carlo at Luane sa Kapuso rom-com series na “I Heart You, Pare!” na nagsisilbing unang soap ng aktres.

“Sakto pa ‘yung title e ‘no, ‘I Heart You, Pare!’” sabi ni Luane.

“Doon talaga nabuo kasi we see each other on almost daily basis. Kapag mga down time, kami ang nagkukuwentuhan and at that time talagang ito, early morning mag-u-Unang Hirit and then dire-diretso tapos hahabol sa taping, so ‘yun ‘yung mga napapag-usapan. ‘Paano mo nakakaya ‘yang mga ginagawa mo na ‘yan?’” ani Carlo.

Nang matapos ang series, dito na nagsimulang ihatid-sundo ni Carlo si Luane.

Ikinasal sa simbahan sina Carlo at Luane nitong Miyerkoles, Pebrero 8 sa Shrine of St. Therese of the Child Jesus sa Pasay City. Na-engaged sila noong 2019 sa Disneyland sa California. Una silang nagpakasal sa huwes nang maudlot ang kanilang kasal dahil sa pandemya.

May anak na sila na si Jose Christiano, na isinilang ni Luane noong Abril 2020.--FRJ, GMA Integrated News