Pinabulaanan ni David Licauco ang tingin sa kaniya ng ilang mga tao na siya umano ay isang “rich kid,” “privileged” at walang naranasang hirap sa buhay.
“Privileged? Siguro yes, my family is comfortable naman, pero hindi kasi lahat given sa akin eh. As in lahat ng meron ako ngayon, pinagtrabahuhan ko ‘yon at saka na-experience ko lahat,” sabi ni David sa podcast na “Updated with Nelson Canlas.”
“Na-experience kong mag-jeep, mag-bus, mag-commute,” dagdag pa ni David.
Edad 14 daw siya noon nang maranasan niyang mag-commute.
“At that time pangit ‘yung ngipin ko, sungki sungki, like ito nasa likod. Adjustment ‘yun ng braces ko eh. Sabi ko sa mom ko na ‘Ma, pwede ba akong pahatid sa dentist kasi magpapa-adjust ako ng braces?’ She said ‘No,’” kuwento ni David, na idiniing hindi siya napagbibigyan ng kaniyang mga magulang sa lahat ng kaniyang hinihiling.
“Me being persistent and passionate na gumanda ang ngipin ko, kasi we live sa may Balintawak sa isang village roon, at 14 years old, naglakad ako sa EDSA, tapos nag-jeep ako, nag-MRT ako. ‘Yung dentist ko kasi nasa Forbes eh, nagkamali ako ng station, bumaba ako sa may Dasmariñas (Makati), that’s one station away. Eh wala na akong pera, sakto lang ang pera ko eh, wala na akong pang-isa pang MRT, siguro P200 lang dala ko no’n or less,” ayon kay David, na gumaganap bilang si Fidel sa “Maria Clara at Ibarra.”
Dahil dito, nilakad niya ang EDSA mula sa isang estasyon papunta sa isa pang estasyon.
“Iniisip nila lahat given sa akin na everything was easy, pero hindi. Pinaghirapan ko lahat and meron din akong hardships na hindi lang nila alam kasi, siguro outside appearance ko, the way I post sa Instagram na parang all-happy.”
Ayon pa kay David, naranasan din niyang sumabit sa mga bus noong pinupuntahan pa niya ang kaniyang dating nobya.
“Nakatira ako sa Mindanao Avenue, ayaw naman akong ihatid ng parents ko. So nag-jeep ako, nakasabit ako sa bus. It wasn’t easy for me.”
“Pumupunta ako sa school, nag-LRT lang ako dati. Simple lang ako eh. Siguro iniisip ng mga tao na medyo rich kid nga pero hindi naman talaga,” dagdag ng Kapuso actor.
Kaya naman taliwas din siya sa kaniyang karakter na si Fidel sa hit historical fantasy series, na nakukuha ang lahat ng gusto.
“Hindi lahat eh, hindi talaga lahat. You always want more, as a human being, ‘yung nature ng mga tao, na ‘pag na-achieve mo na itong certain achievement that you probably wanted two years ago and here comes another want, dream, so it’s a non-stop dreaming,” sabi ni David. —LBG, GMA Integrated News