Sinabi ng "King of Talk" Boy Abunda na batay sa kaniyang source, peke ang "Wow Bulaga" poster na lumabas sa social media na ipapalit umano sa "Eat Bulaga."

"May lumalabas na poster. Ang title diumano ng papalit sa 'Eat Bulaga' ay 'Wow Bulaga,' starring Mr. Willie Revillame, kasama si Bretman Rock, nandiyan si Allan K., Wally and Jose are also there, and Miguel Tanfelix," sabi ni Tito Boy sa kaniyang programang "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes.

"Nais sabihin ng isang mapagkakatiwalaang source dito sa GMA-7 na this poster is not true. This is a fake poster. Hindi po ito totoo," patuloy niya.

Bagaman may pagsubok na kinakaharap umano ngayon ang "Eat Bulaga!," sinabi ni Tito Boy na makabubuting hintayin na lang ng publiko ang opisyal na pahayag mula sa programa at GMA Network.

"Ating intayin ang kanilang official statement, ng GMA-7 at ng 'Eat Bulaga' para malaman natin ang buong kuwento, at katotohanan," paalala niya.

"Antabayan ang mga susunod na balita," pagtatapos ni Tito Boy upang maiwasan umano ang pagkalat ng mga espekulasyon. — FRJ, GMA Integrated News