Inanunsiyo ni Boy Abunda na magiging bahagi siya ng pelikulang idinirek ni Bela Padila na “Yung Libro Sa Napanuod Ko,” na isa sa walong official entries sa kauna-unahang summer edition ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

“Mga Kapuso, nanay, tatay, nais ko po kayong imbitahan sa aking pelikula… Nakasama ko po si Bela Padilla, this is part of the first summer Metro Manila Film Festival (MMFF),” pag-anunsyo ni Tito Boy sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes.

“I’m being supported here by Bela Padilla, I’m directed by Bela Padilla. I have a two second role,” biro ni Tito Boy tungkol sa kaniyang gagampanang  karakter.

Pero paglilinaw ni Bela, “Ay hindi po Tito Boy! Kakalabas ko lang ng editing, mahaba po ‘yung eksena niyo!”

Proud si Tito Boy na naka-isang take lang siya sa kaniyang eksena sa pelikula. Bagay na kinabiliban naman ni direk Bela.

“Ito ‘yung malala. Pagdating niya sa set, memorize niya ‘yung lines niya. Walang nagturo, walang kahit ano. Nandito po ang witness, nandito ang makeup artist. Alam niya ‘yan,” pagbabahagi ni Bela tungkol sa professionalism ni Tito Boy.

“Maraming salamat. Pinaghandaan ko po si Bela Padilla,” sabi ni Tito Boy tungkol sa kaniyang preparasyon para rito.

“Pagpasok niyo roon sa room, lahat tumahimik. You’re a presence. Naramdaman namin ‘Ay, seryoso ‘to, magshu-shoot na tayo.’ Kasi parang kapag kami laro-laro lang. Noong dumating ka lahat tumahimik,” pagbabahagi ni Bela.

Karangalan para kay Tito Boy na maging bahagi ng pelikula, kung saan si Bela rin ang leading lady, at katambalan niya ang South Korean actor na si Yoo Min-gon. Kasama rin nila sina Lorna Tolentino at Boboy Garovillo.

Mapapanood ang mga pelikulang kalahok sa Summer MMFF sa darating na Abril.--FRJ, GMA Integrated News