Sumigaw at nandilat ang mga mata ng isang lalaki nang sumalang sila ng kaniyang bestfriend for 30 years sa Pinoy Henyo segment ng "Eat Bulaga." Dito na kaya magtatapos ang kanilang pagiging magkaibigan?

Ayon sa mga kalahok na si Alfie at Jomy, parehong nagluluto, na 30 taon na silang magkaibigan mula pa sa kanilang pagkabata.

Sinubok ni Joey de Leon ang pagiging magkaibigan ng dalawa nang tanungin niya si Jomy kung sino ang babaeng unang pinormahan ni Alfie.

Nagbanggit ng pangalang si Jomy na "Madonna," pero natatawang itinanggi iyon ni Alfie.

Magkaiba rin ang sagot ng dalawa nang tanungin ni Joey ang magkaibigan kung anong pagkain ang kaya nilang kainin nang paulit-ulit sa loob ng isang taon.

Si Alfie, sosyal na chicken biryani ang isinagot, habang mas simpleng abodo lang ang binanggit ni Jomy.

At nang magsimula na ang laro, si Jomy ang nanghula sa simpleng henyo word na "Goto," habang si Alfie ang tagapagbigay ng clue.

Nang mabanggit na ang kategoryang pagkain, nahirapan si Jomy na makahanap pa ng malapit na clue sa kung anong uri ng pagkain ang goto.

Napasigaw na si Alfie na "hindi nga!" nang ilang beses na tanungin ni Jomy kung piniprito o iniihaw ang henyo word.

Kaya naman binibiro ng dabarkads si Alfie na huminahon at hinihimas ang kaniyang likod dahil sa paulit-ulit na pagbanggit ni Jomy ng mga pagkaing street food.

Natatawang sabi ni Wally Bayola na parang manununtok na si Alfie. Panoorin ang video ng "Eat Bulaga" kung mahulaan pa kaya nila ang henyo word o magwakas na ang pagiging magkaibigan ng dalawa. --FRJ, GMA Integrated News