Nangilabot sa takot ang isang TNVS driver matapos lumitaw sa kaniyang larawan ang isang batang babae na naka-dress na nasa backseat ng nakaparadang niyang kotse kahit mag-isa lang siya rito.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho," itinampok ang TNVS driver na si Mark Leonard Busto, na huminto muna sa biyahe noong gabi ng Setyembre 25, sa Antipolo City para magpahinga.
Kumuha si Mark ng larawan ng kaniyang kinaroroonan at ipinadala ito sa kaniyang asawang si Sheila bilang patunay na ligtas siya at nag-iisa.
Ngunit si Sheila, nanlamig sa takot matapos may mapansing kakaiba sa ipinadala sa kaniyang picture nang suriin niya ang maliit na bilog na salamin sa loob ng kotse ni Mark.
Pag-zoom niya, nakita niya sa repleksiyon ang isang tila batang babae sa backseat, na naka-dress ng itim.
“Mukha lang po talaga niya na parang malungkot po,” paglalarawan ni Sheila.
Idiniin naman ni Mark na wala siyang sakay nang kunan ang litrato at mag-isa lang siya sa loob ng kotse.
“Kinilabutan ako, tumaas ang balahibo ko. Bigla na lang ako napa-on ng apps ko para tumanggap ng booking,” anang TNVS driver.
Kinuhanan ni Mark ng litrato nang may inihatid siyang pasahero sa Tagaytay.
“Hindi naman ako kasi masyadong matatakutin din sa ganiyan pero ito talagang... Iba, naaano ko. Talagang 'pag pinagkukuwentuhan pa lang natin, parang kinikilabutan na talaga ako,” sabi ni Mark.
Si Sheila naman, may nakapaninindig-balahibo na ring naramdaman sa kotse.
“Nakaupo daw ako katabi sa driver seat. Tapos may tumatalukbong po sa mukha ko. Hindi ako makahinga. Tapos biglang hinatak 'yung paa ko sa ilalim. Bigla ako nagising tapos parang hingal na hingal,” kuwento ni Sheila.
Kuwento pa ni Mark, may mga pagkakataong bigla na lamang kumakabig ang kaniyang manibela kahit hindi naman siya antukin. Dahil dito, muntik na siyang may mabanggang motorsiklo noon.
Ang pinsan naman ni Sheila na si Zimahran Rivero, may naramdaman din sa kotse nang inihatid siya ni Mark nang kumuha siya ng burial assistance noon.
“Naisip ko pong umidlip muna, bale mag-isa lang po ako dito sa sasakyan. Maya-maya may kumalabit po sa paa ko. Malamig po siya. Nagtaka po ako na may kumalabit sa akin, eh wala naman po akong kasama,” sabi ni Zimahran.
Pati ang kanilang pitong taong gulang na anak nina Mark at Sheila, nakaramdam din ng kakatuwa sa loob ng kotse.
“‘Yung anak ko po, nasa likod, nakahiga po siya, nakadapa, naglalaro ng cellphone. Ako naman po, nandu’n pa rin po sa tabi ng driver's seat. Nagsalita 'yung anak ko, ‘Mommy bakit?’ Sabi ko, ‘Ha? Anong bakit?’ Sabi niya, ‘Kinalabit mo ko eh.’ Walang tao sa loob ng sasakyan, kami lang dalawa eh,” kuwento ni Sheila.
Nag-aalala sina Sheila dahil sa tuwing nagpaparamdam sa kanilang anak ang pinaniniwalaan nilang multo sa loob ng kotse, nagkakasakit ang bata kinabukasan.
Si Lizardina Mortiz, ang mismong may-ari ng kotse at kapitbahay ng mag-asawa, kumbinsido na haunted ‘di umano ang kaniyang kotse.
Taong 2024 nang makuha ni Lizardina ang sasakyan.
Wala naman noong kakaiba sa kotse, ngunit mula noong natengga ito nang matagal sa tapat ng bahay nina Mark, doon na nag-umpisa ang mga kakaibang pangyayari.
“Naisip ko baka tinirahan na lang diyan kasi may puno at saka ‘yun matagal siyang nakatambay diyan,” ani Lizardina.
Para naman kay Mark posibleng naging haunted ang sasakyan dahil makailang ulit na itong ginamit para magdala ng pasyente sa ospital. Posibleng doon daw na pick-up ang kakaibang pasahero.
“Una, 'yung tatay ng misis ko. At 'yung pangalawa, 'yung tiyahin nila. Pero hindi naman dito namatay sa sasakyan. Sa hospital naman,” sabi ni Mark.
Tunghayan sa video ng KMJS ang ginawang pagsusuri ng isang paranormal investigator sa kotseng ipinampapasada ni Mark. Sino nga kaya ang batang misteryosong pasahero, at bakit tila nanggagambala ito? Panoorin. – FRJ GMA News
