Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang deployment ban para sa mga overseas Filipino worker (OFW) na patungo sa Saudi Arabia kasunod ng mga pag-atake ng grupong Houthi sa paliparan sa Riyadh.
“Wala naman tayong deployment ban sa ngayon,” paglilinaw ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa panayam sa GMA News Unang Balita nitong Lunes.
"Of course, we're coordinating with the Department of Foreign Affairs for the security and political assessment but otherwise, wala tayong deployment ban sa ngayon," dagdag ng kalihim.
Ngunit dahil sa mga pag-atake, isinara ang paliparan at kinansela ang ilang biyahe ng mga eroplano.
Pinayuhan ni Cacdac ang mga Pilipinong nakatakdang bumiyahe na tiyakin muna kung matutuloy ang kanilang flight bago pumunta sa paliparan.
Noong Sabado, tinamaan ng mga projectile na inilunsad ng grupong Houthi ang King Khalid International Airport sa Riyadh. Nagresulta ito sa pagkamatay ng 13 katao at pagkasugat ng mahigit 300 iba pa.
Ayon kay Cacdac, tatlo sa mga nasugatang Pilipino ang nananatili sa intensive care unit (ICU) ng mga ospital, habang ang isa ay nakalabas na.
"Minamanmanan natin ang sitwasyon nila. Nasa mga ospital sila sa Riyadh. Kasama ang Migrant Workers Office, ang ating labor attaché, at ang team naman ni ating PY Caunan ng OWWA ay minamanmanan ang sitwasyon," sabi pa ng kalihim.
"Iba-iba ang estado ng kanilang sitwasyon kaya't pinagdarasal pa rin natin ang kanilang kaligtasan," patungkol ni Cacdac sa tatlong nasugatang Pinoy.
Dalawa sa mga nasugatang Pilipino ay nagtatrabaho sa paliparan, habang ang dalawa pa ay mga pasahero, dagdag niya.
Sinabi rin ni Cacdac na nakipag-ugnayan na sila sa mga pamilya ng mga nasugatan at tiniyak na mabibigyan ang mga ito ng tulong mula sa pamahalaan.
Samantala, muling naglunsad ng pag-atake ang grupong Houthi sa parehong paliparan sa Riyadh nitong Linggo, na ikinasawi ng isang tao at ikinasugat ng hindi bababa sa 11 iba pa.
Pinayuhan ni Cacdac ang mga OFW na nangangailangan ng tulong na tumawag sa DMW hotline na 1348. Maaari ding tumawag sa hotline ang mga kaanak ng mga OFW upang magtanong tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay, aniya.
"Saan mang panig ng mundo, sa ating mga mahal na OFWs, makinig sa gabay ng host country, mga protocols, safety protocols, mga disaster management protocols," sabi ng kalihim.
Hinimok din ng DMW chief ang mga OFW na manatili muna sa kanilang mga tahanan kung maaari at dagdagan ang pag-iingat.—FRJ GMA News
