Apektado ang ilang mga kalsada sa Hilagang Luzon nitong Martes, Agosto 4, 2026, habang tuloy ang mga operasyon sa paglilinis ng mga ito matapos ang malalakas na pag-ulang dulot ng dating Bagyong Luis.

Sa Benguet, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cordillera region na pansamantalang sarado ang Tawang–Ambiong Road dahil sa pagguho ng lupa at pagkahulog ng mga bato.

Ang Gov. Bado Dangwa National Road sa Poblacion, Kibungan, at isa pang bahagi ng parehong highway sa Daclan, Tublay ay nananatiling bukas sa isang lane dahil sa pagbagsak ng bato at gumuhong tipak ng bato. Patuloy ang mga clearing operation para mabuksan ng tuluyan ang daan para sa mga sasakyan.

Sa Baguio City, nananatiling sarado ang Kennon Road sa mga hindi residente dahil sa patuloy na pag-ulan. Pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta, tulad ng Marcos Highway.

Isang lane lang ng Conner–Kabugao Road sa Luttuacan, Kabugao ang bukas dahil sa makakapal na putik na dulot ng ulan.

Sa Isabela, nananatiling handa ang mga kagamitan ng mga awtoridad para sa pagtugon sa mga sakuna kahit humina na si Luis at naging low-pressure area na lamang ito.

Patuloy na pinagbabawal ang paglangoy, paglalayag, at pangingisda, mayroon ding liquor ban, dahil sa maalon na dagat at malalakas na hangin sa mga baybaying lugar ng lalawigan.

Ayon sa mga opisyal walang naiulat na mga pag-likas, nasugatan, o namatay sa Isabela na dulot ng sama ng panahon.

Nakatulong din ang pag-ulan sa pagtaas ng antas ng tubig sa Magat Dam matapos ang ilang buwang tag tuyo. Ito daw ay magdudulot ng benepisyo sa mga magsasakang umaasa nangangailangan ng tubig para sa irigasyon ng kanilang mga pananim.

"Ang mga pag-ulan nito ay sabihin natin na nag-increase ang elevation. However, hindi pa tayo kampante kasi baka pag-alis ng bagyo ay maranasan na naman ang continuous na walang pag-ulan," ayon kay Engineer Gileu Michael Dimoloy, department head of the National Irrigation Administration–Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS).

Tumaas ang antas ng tubig sa Magat Dam sa 165.41 metro ng Martes ng umaga, ngunit sinabi ng NIA na nananatili ito sa kritikal na antas.

Sinabi ng ahensya na mahalagang maibalik ang antas ng tubig sa dam dahil nagbibigay ito ng irigasyon sa humigit-kumulang 95,000 ektarya ng lupang sakahan na sinasaka ng mahigit 62,000 magsasaka.

Sinabi ni Dimoloy na nananatiling isa sa mga hakbang ng ahensya ang cloud seeding upang makatulong sa pagpapabuti ng suplay ng tubig.

"At least maitawid lang natin hanggang sa pag-ani ng mga farmers. Bago dumating itong bagyo ay nag-conduct tayo ng cloud seeding, and nakita naman natin 'yung epekto nito," dagdag niya. —RF GMA News