Nakaranas ng malalakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dulot ng Habagat, na nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila at iba pang lugar sa Luzon.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinuong ng mga rescuer sa Barangay Tulay, Odiongan, Romblon ang rumaragasang baha upang sagipin ang mga pamilyang na-stranded noong madaling araw.
Isang senior citizen ang iniahon gamit ang lubid at salbabida mula sa abot-dibdib na baha.
Nagsagawa na rin ng evacuation ang mga awtoridad sa mga mabababa at bahaing lugar dahil sa malakas na ulan. Nanatili sa evacuation center ang mga residenteng inilikas.
Sa Sablayan, Occidental Mindoro, mistulang ilog ang isang kalsada dahil sa mataas na baha kasunod ng malakas na ulan.
Ilang motorista ang na-stranded, habang pinilit naman ng iba na suungin ang baha. Nahihirapang makadaan ang maliliit na sasakyan.
Sa Batangas City, nasira ang pundasyon ng isang tulay sa Barangay Santo Niño.
Pinayuhan ang mga motorista na dumaan muna sa alternatibong ruta bilang pag-iingat.
Hiniling ni Batangas City Mayor Marvey Mariño sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang agarang pagpapatayo ng bagong tulay.
Bumaha rin sa J.P. Laurel Highway sa Batangas City, ngunit sinuong pa rin ito ng ilang sasakyan. Ilang residente rin ang na-stranded.
Sa San Marcelino, Zambales, umapaw ang ilog at binaha ang ilang bahagi ng Barangay Santa Fe.
Halos umabot sa bubong ng isang paaralan ang baha.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), walang naiulat na nasawi o nasugatan dahil sa pag-apaw ng ilog.
Sinuspinde naman ng Philippine Coast Guard ang pangingisda at paglalayag ng ilang sasakyang pandagat sa Zambales dahil sa masamang lagay ng dagat.
Nagkaroon din ng pagguho ng lupa sa Barangay Santa Rita sa Olongapo City, kung saan isang bahay ang naapektuhan.
Naitala rin ang landslide sa bahagi ng Tagaytay-Talisay Road sa Barangay San Jose, Tagaytay City, Cavite, gayundin sa bahagi ng national road sa Barangay San Miguel, Lobo, Batangas.
Ayon sa PAGASA, ang Habagat ang nagdadala ng ulan sa malaking bahagi ng bansa.
Samantala, sa hiwalay na ulat ni Bernadette Reyes, mistulang may bagyo sa lakas ng ulan at hangin sa Timog Avenue at Commonwealth Avenue sa Quezon City noong Sabado ng umaga.
Sa Barangay Roxas District sa Quezon City, ilang dekada nang problema ang pagbaha ngunit patuloy pa rin itong nararanasan ng mga residente.
Bagama’t saglit lamang bumuhos ang malakas na ulan, umabot pa rin hanggang dibdib ang baha sa ilang lugar.
Isang lalaki ang gumamit ng styrofoam na balsa upang makatawid sa hanggang-bewang na baha, habang ang ilan ay gumamit pa ng bangka upang makauwi sa kanilang mga bahay.
Umabot naman hanggang dibdib ang baha sa ibang bahagi ng kalsada.
Sa kabila ng panganib na magkasakit, ilang kabataan ang naligo sa baha.
Bumaha rin sa ilang bahagi ng Quezon Avenue at D. Tuazon Street.
Sa Barangay Tatalon, nagpatuloy ang hanapbuhay at negosyo ng ilang residente sa kabila ng abot-dibdib na baha.
Halos mag-zero visibility naman sa ilang bahagi ng Metro Manila nitong tanghali, batay sa kuha ni YouScooper Mina mula sa kanyang condominium unit sa Makati City.
Sa Bauan, Batangas, dahan-dahang dumaan ang mga sasakyan sa isang kalsadang lubog sa abot-tuhod na baha.
Sa kuha naman ni YouScooper Kimberly mula sa Batangas City, umabot hanggang binti ang baha bunsod ng walang tigil na pag-ulan.
Itinaas nitong alas-5 ng hapon ang Red Rainfall Warning sa Metro Manila, Batangas, at iba pang bahagi ng Luzon. — Jamil Santos/MCG GMA News
