Dumating na sa bansa ang bagong grupo ng mga OFW na nasawi sa Saudi Arabia, na kinabibilangan ng mga pumanaw dahil sa COVID-19.

Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing 54 ang mga bangkay ng mga OFW na dumating sakay ng eroplanong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport.

Sa naturang bilang, 39 sa kanila ang nasawi sa COVID-19 habang sa iba pang kadahilanan pumanaw ang 15 na iba pa.

 

 

Idinagdag pa sa ulat na ang mga nasawing OFW ay nagmula sa Al Khobar (20), Jeddah (10) at Riyadh (24).

Sa 20 bangkay na nanggaling sa Al Khobar, 18 sa kanila ang nasawi sa COVID-19. Samantalang sa virus din nasawi ang 10 na nanggaling sa Jeddah, at 11 sa mga nanggaling sa Riyadh.

Ito na umano ang ikatlong batch ng mga OFW na nasawi sa KSA ang naiuwi sa Pilipinas na umaabot na sa 291, ayon sa ibinigay na impormasyon ng Department of Labor and Employment.

Nagpaabot naman umano ng pakikiramay si DOLE Secretary Silvestre Bello III, sa mga pamilya ng mga pumanaw na OFW.--FRJ, GMA News