Taong 2017 nang huling umuwi sa Pilipinas ang OFW sa Saudi Arabia na si Rodolfo "Rudy" Luz.  Hindi inakala ng kaniyang pamilya na ito na pala ang huling pagkakataon na makakapiling nila nang personal ang kanilang masipag at mapagmahal na padre de pamilya.

Sampung taon nang nagtatrabaho sa KSA si Rudy, na ang tanging hangarin ay mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang ang mga anak.

Kaya naman nang huli niyang uwi noong 2017, nais sana ng kaniyang mga anak na huwag na sana siyang bumalik sa Saudi at manatili na lang sa Pilipinas. Pero dahil nag-aaral pa ang kanilang bunso, ninais pa rin niyang makipagsapalaran sa Saudi bilang pintor sa pabrika.

Nakadagdag din sa problema ni Rudy sa pag-uwi sa Pilipinas ang paggamit sa kaniya ng kasamahan bilang guarantor sa utang na hindi nabayaran sa KSA, kaya kinailangan na siya ang magbayad nito.

Sa kabila ng mga problema, marami pa ring plano si Rudy sa kaniyang pamilya kapag umuwi na siyang muli. Katulad ng pagpapagawa ng kanilang bahay kaya gumawa siya ng plano at bumili ng ilang gamit.

Nais din niyang pakasalan muli ang kaniyang butihing maybahay na si Adalia.

Hanggang sa isang araw, tumawag si Rudy sa kaniyang pamilya sa Pilipinas para ipaalam ang mga nararamdaman niyang sintomas ng COVID-19. May pagkakataon rin daw na tila nagbibilin na siya sa kaniyang mga mahal sa buhay.

"Nung time na magkasintomas na siya ng COVID, sabi niya, "Ma, kung anoman ang mangyari sa akin bahala ka na. Ingatan mo sarili mo," sabi ni Adalia.

At nang dalhin sa ospital si Rudy, wala nang nabalitaan ang kaniyang pamilya sa Pilipinas. Nalaman na lang nila ang malungkot na balita mula sa isang nurse na Pinay na nag-asikaso sa kaniya na binawian na ito ng buhay.

Dahil pumanaw si Rudy noong Mayo na wala pang malinaw na patakaran ang Pilipinas at pamahalaan ng KSA tungkol sa mga labi ng OFW na pumanaw sa COVID-19, napapayag ang pamilya ni Rudy na mailibing na siya sa naturang bansa.

Ngunit ngayon na pumapayag na ang pamahalaan ng KSA na maiuwi sa Pilipinas ang mga Pinoy na namatay sa COVID-19, nais sana nilang malaman kung pupuwede pa kayang maiuwi sa bansa ang mga labi ni Rudy?

Tunghayan ang nakaantig na kuwentong ito sa "Brigada." --FRJ, GMA News