Sa hindi malamang dahilan, bigla na lang umanong nanghina, nahirapang huminga at nawalan ng panlasa ang isang OFW sa Uzbekistan. Ilang araw makaraang siyang dalhin sa ospital, pumanaw ang OFW pero hindi na nalaman ng kaniyang mga kasamahan kung saan dinala ang kaniyang mga labi.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, itinago sa pangalang "Roy," ang pumanaw na OFW na ilang araw umanong inalagaan ng kaniyang mga kapwa-OFW sa kanilang tinutuluyan sa naturang bansa.

Dahil walang embahada at konsulado ang Pilipinas sa Uzbekistan, nahihirapan ang mga OFW doon na humingi ng tulong. 

Hindi rin daw tumugon sa kanilang mga tawag ang ospital at maging sa kanilang employer, kaya ang mga kasamahan na lang sa trabaho ang nag-alaga sa kaniya.

Makalipas ng ilang araw, may ambulansiyang sumundo na kay Roy pero kinalaunan ay sumakabilang buhay din.

"Hindi na po namin alam kung nasaan ang bangkay niya ngayon," sabi ng OFW na si Thipins Lumombong.

Hindi naman nabanggit kung COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay ni Roy.

Pero sa kabila umano ng lumalalang sitwasyon ng COVID-19, inuobliga pa rin umano ng employer ang mga OFW na magtrabaho.

Nangangamba rin ang mga OFW sa kanilang kaligtasan dahil ginawang isolation facility ng mga trabahador na may COVID-19 ang compound kung saan din sila tumutuloy.

Kaya naman nananawagan na si Lumombong sa pamahalaan ng Pilipinas na tulungan na silang makauwi sa bansa.

"Gusto lang natin humingi ng tulong na makauwi diyan sa Pilipinas sa lalong madaling panahon dahil mas lumalala na po mga kababayan ang kaso ng COVID dito," pakiusap ni Lumombong.

Tinatayang nasa 200 OFWs na skilled workers ang nagtatrabaho sa naturang lugar.

Ayon kay Undersecretary Sarah Lou Arriola, ng Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA), magsasagawa sila ng isang malakihang repatration na gagawin sa Iran para makuha ang mga OFW na nasa kalapit na Uzbekistan.--FRJ, GMA News