Iniutos ng Taiwan na dapat sumailalim muna sa COVID-19 test ang mga Pinoy na pupunta sa kanilang teritoryo. Ginawa ito matapos na lumitaw na kalahati umano ng "imported" COVID-19 cases sa kanilang lugar ay galing sa Pilipinas.

Sa ginanap na pulong balitaan sa Taipei noong July 24, sinabi ni Health Minister Chen Shih-chung, pinuno rin ng Central Epidemic Command Center (CECC), na ang bagong patakaran ay inilabas dahil kalahati ng imported cases ng virus ngayong Hulyo ay nagmula sa Pilipinas, ayon sa Central News Agency ng Taiwan.

"Of the 11 imported cases in July, six were found in passengers who returned from the Philippines," sabi ni Chen.

Nakasaad din sa datos ng CECC na ang anim na kaso ay nakumpirma sa pagitan ng July 16 at 24.

Ang Pilipinas ang isa sa may pinakamataas ng COVID-19 infection sa Southeast Asia na umaabot sa 82,040 kaso at 1,945 ang nasawi.

Ayon kay Chen, kasama sa mga kailangang magpa-test ang kanilang mga kababayang Taiwanese, resident permit holders, diplomats, students, at migrant workers na manggagaling sa Pilipinas.

Sasailalim umano ang mga nabanggit na tao pagdating nila sa paliparan, batay sa CECC guidelines na ipinatupad na simula nitong July 26.

Ayon sa panuntunan ng CECC, ang mga nakararamdaman ng sintomas ng sakit ay dapat magtungo sa mga government quarantine center at hintayin ang resulta ng kanilang pagsusuri.

Ang mga asymptomatic o walang sintomas ng sakit ay maaari nang umuwi o magtungo sa mga quarantine hotel para sumailalim sa 14-day quarantine.

Mula July 1 hanggang 22, mayroon umanong 696 katao ang dumating sa Taiwan mula sa Pilipinas. Mayroon umanong tatlong nagpositibo na galing sa Pilipinas, ayon sa CECC.

Mayroon ding apat na pasahero na galing sa Pilipinas na dumaan sa Taiwan airport ang nagpositibo rin sa COVID-19 pagdating sa Hong Kong.

Inuobliga rin ng CECC ang mga dayuhan na magtutungo sa kanilang teritoryo na walang residence permit na dapat magpakita ng negative COVID-19 test result sa loob ng tatlong araw bago ang kanilang boarding flight sa Taiwan.

"Upon arrival in Taiwan, they must immediately begin home quarantine for 14 days. Rapid test not accepted," ayon sa CECC. —FRJ, GMA News