Ligtas ang lahat ng Pinoy sa Tonga matapos ang matinding undersea volcanic eruption na nagdulot pa ng tsunami warnings sa maraming lugar, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Miyerkules.

Ayon sa Philippine Embassy sa New Zealand na may hurisdiksyon sa Tonga, nakaugnayan na nila sa pamamagitan ng email ang Association of Filipinos in Tonga Inc.

Sinabi umano ng asosasyon na "all accounted for" na ang mga Filipino sa Tonga at pawang ligtas.

Kabilang ang komunikasyon sa mga labis na naapektuhan sa nangyaring kalamidad.

"As such, the Association of Filipinos in Tonga Inc. has requested the Philippine Embassy in Wellington to let their families know that our kababayans are safe," ayon sa DFA.

Sinabi rin ng embahda na wala rin silang natatanggap na ulat o impormasyon na may Filipino na nasawi sa kalapit na isla ng Samoa.

Ang Tonga, Samoa at Fiji, ang mga lugar na sinusubaybayan ng embahada dahil sa nangyaring pagsabog ng bulkan at tsunami advisory.

"Indications show that it might take two weeks before the communications system is fully restored in Tonga," ayon sa DFA.

— FRJ, GMA News