Isang grupo ng mga overseas Filipino worker sa Davao region na umuwi sa bansa dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic ang nakatanggap ng P1 million grant mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA-Region 11).

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV nitong Martes, sinabing ang naturang livelihood grant ay ipagkakaloob sa grupo ng mga OFW ng tatlong tranche para sa naisipang nilang negosyo na grocery store.

Kabilang sa natutuwa sa natanggap na tulong ng kanilang grupo ang OFW na si Johnny Oquina, na dating nagtrabaho sa Singapore pero napilitang umuwi dahil sa pandemya.

Nitong linggo, pinasiyaan na ang kanilang grocery store sa Davao City para sa kanilang pagsisimulang muli sa Pilipinas.

Ayon kay Gerlyn Acedo, association president, nakita nila na ang grocery ang pinaka-essential sa mga tao kaya ito ang naisipan nilang pasukin na negosyo.


Isa sa kanilang supplier ng produktong cacao o tablea ay si Hannah Ocon, na isa ring dating OFW na nagtrabao noon sa Dubai.

Bukod sa matutulungan ang grupo ng OFWs, sinabi ni Ocon na matutulungan din ng proyekto ang mga tauhan nila sa farm.

--FRJ, GMA News