Inihayag ng isang opisyal ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na masusi silang nakikipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Embassy sa Ukraine para sa mga hakbang na gagawin upang maiuwi sa Pilipinas ang mga Pinoy na nasa Ukraine sakaling sumalakay ang Russian.

Ayon kay POEA Deputy Administrator Bong Plan, naghihintay sila ng magiging abiso mula sa DFA at Philippine embassy, para sa kaukulang anunsiyo na ilalabas kung kailangan na bang magsagawa ng mandatory o voluntary repatriations sa mga OFW na nasa Ukraine.

“We are closely coordinating with the DFA kasi sila po nakatingin on the ground whatever advices po ang binibigay sa amin dun po kami gumagawa ng mga alert levels para sa amin dito,” paliwanag ni Plan sa panayam ng GTV news "Balitanghali" nitong Martes.

“So far we are just awaiting official communication from the DFA, from our embassy there, yung may malapit na embassy na humahawak sa Ukraine... Then we will issue the appropriate... mandatory or voluntary repatriations of our OFWs,” patuloy niya.

Kamakailan lang, naglabas ng pahayag si US President Joe Biden na nag-aabiso sa kanilang mga kababayan na nasa Ukraine na umalis na ng bansa.

Naniniwala ang Amerika na maaaring salakayin ng Russia ang kalapit nitong bansa na Ukraine anumang araw.

Sinabi kamakailan ng Philippine Embassy sa Warsaw na sinusubaybayan nila ang kalagayan ng nasa 380 Filipino na nasa Ukraine, na ang karamihan ay nasa Kyiv na malayo sa eastern border ng Russia.

Pinayuhan ng opisyal ng POEA ang mga Pinoy na nasa Ukraine na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na embahada bilang paghahanda na rin kung anuman ang mangyari at kung kailanganin na ilikas sila.

“Get yung contact details po ng pinakamalapit na embahada sa Ukraine para at least kung may problema puwede kaagad kayo ma-repatriate at the same time makahingi po kayo ng assistance na kailangan niyo,” payo ni Plan.

Sinabi naman ng DFA na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa mga Pinoy nasa Ukraine sa pakikipagtulungan ng Honorary Consulate General sa Kyiv. — FRJ, GMA News