Binaril at napatay ang isang negosyanteng Pinoy sa Oakland, California. Ang krimen, nasaksihan ng 11-anyos na anak ng biktima.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Jun Anabo, 37-anyos.

Nadala pa ang biktima sa ospital pero binawian din ng buhay.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. Pero isa sa mga anggulong tinitingnan ay ang pagbili ng biktima sa isang truck sa halagang $50,000, na lumilitaw na nakaw umano.

Ngunit hindi raw alam ng biktima na nakaw pala ang sasakyan. Posibleng kilala raw ng biktima ang mga salarin.

Sinusuri na ang mga CCTV camera kung may kuha na makakatulong sa pagresolba sa krimen.

Mariing kinondena ng Pinoy community sa Oakland ang ginawang pagpaslang sa biktima.--FRJ, GMA News